Arestado sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group-Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) ang mga illegal recruiter na sina Maria Theresa Tubo Velarde alyas Thess, Jocelyn Sagaran Pulao alyas Jho, at Priscila Fernandez Lucido alyas Precy, sa loob ng opisina ng Thessmourn Documentation Services sa Unit C-103 Monaco Garden Tower, No. 59 Villa Barbara St., Pasay City.
Dinakip ang mga suspek matapos tanggapin ang dagdag na tig-P6,000 na kanilang hiningi mula sa 10 aplikante nito para sa mapabilis ang kanilang pag-alis patungong Canada. Modus ng mga ito na mangako ng trabaho sa Canada bilang fruit picker o magsasaka na may buwanang sweldong CAD 3,600 (halos P150,000) at ang kapalit ay P135,000 na paunang bayad para sa pagproseso ng mga dokumento. Gawain din ng mga suspek ang magpalipat-lipat ng lugar kapag nakakuha na ng pera sa kanilang mga nabiktima.
Ang ilegal na gawain ng mga salarin ay nadiskubre matapos dumulog ang mga biktima sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at nakumpirma mula dito na hindi ito lisensyado ng POEA para mag-alok ng trabaho sa ibang bansa. Sa tulong ng POEA Operations and Surveillance Division ay nagawang makakuha ng sertipikasyon ng mga biktima laban sa mga ito at makipag-ugnayan sa tanggapan ng CIDG-ATCU.
Kasalukuyang nakakulong sa CIDG detention cell sa Camp Crame ang mga suspek at nahaharap sa kasong large scale illegal recruitment at estafa. Ang POEA Prosecution Division ang humarap bilang special collaborating counsel ng mga biktima sa ginanap na inquest.
Nananawagan ang POEA sa mga naging biktima ng Thessmourn Documentation Services o ng mga nabanggit na illegal recruiter na makipag-ugnayan sa opisina ng Anti-Illegal Recruitment Branch o mag-message dito upang matulungan sa pagsasampa ng kaso at mabigyan ng libreng tulong legal.
One Comment
Kamusta na Po Ang mga kasangkot sa stepa na ito? Isa Po ako sa na scam sakanila Hindi pa Po ako nakapag file Ng demanda sakanila may mababawi pa Po bang pera? Nakapag bigay din Po Kasi Kami Ng 100k cash sakanila e.. baka Po matulungan niyo Kami andito pa Kasi ako Taiwan Ngayon at Wala sa pinas…