Nurses pinag-iingat sa illegal recruitment sa Germany

Pinaalalahanan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Filipino nurse na naghahanap ng trabaho laban sa illegal recruitment sa Germany sa ilalim ng Triple Win Project.

Nakarating sa POEA ang ulat tungkol sa isang website na ginagamit ng mga illegal recruiters na nangangako ng trabaho para sa mga nurse sa nasabing bansa.

Pinaalalahanan ni POEA Administrator Bernard P. Olalia ang mga naghahanap ng trabaho na huwag i-sumite online ang kanilang aplikasyon, gayundin ang kanilang personal na impormasyon, at sa halip isumite ang kanilang dokumento sa Manpower Registry Division ng POEA.

“Ang Triple Win Project ay magkasamang inisyatibo sa pagitan ng Pilipinas at Germany upang tulungan ang mga kwalipikadong nurse sa bansa na magtrabaho sa Germany. Ang buong proseso ng pagre-recruit at pagde-deploy dito sa Pilipinas ay pinangangasiwaan lamang ng POEA at walang ibang taga-labas na ahensiya ang awtorisadong gumawa nito para sa amin,” ani Administrator Olalia.

Hinihikayat ng POEA ang lahat ng aplikante na maging mapagbantay laban sa mga illegal recruiter at itawag ang anumang kahina-hinalang gawain ng mga illegal recruiter sa POEA Anti-Illegal Recruitment Branch sa 722-11-92 o sa POEA Hotline numbers 722-11-44 o 722-11-55.

Leave your thoughts