Kumpanyang sangkot sa illegal recruitment sa Nueva Ecija, ipinasara ng POEA

Agad na ipinatigil ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), sa pamumuno ni Secretary Susan V. Ople ng Department of Migrant Workers, ang operasyon ng Jed World Technical and Manpower Services Inc. (Jed Manpower) sa Nueva Ecija matapos makumpirma sa serye ng surveillance ang ilegal na pagrerecruit nito ng mga hotel, resort at agricultural worker patungong Europa.

Inimbestigahan ng Anti-Illegal Recruitment Branch ng POEA (POEA-AIRB) ang Jed Manpower dahil sa natanggap nitong reklamo laban sa mga may-ari nito at dahil sa report tungkol sa mga aplikanteng nagtungo sa Direct Hire Assistance Division ng POEA para magproseso ng dokumento papuntang Norway.

Jed World Technical and Manpower Services

Napatunayan ng mga operatiba ng POEA-AIRB na nag-aalok ng trabaho ang Jed Manpower para sa mga hotel at resort worker patungong Norway at Denmark, maging para sa mga agricultural worker papuntang Norway, Denmark, Netherlands, Sweden at Germany. Ipinapasa ng mga aplikante sa Jed Manpower ang kanilang resume at maging ang halagang umaabot sa Php 210,000.00 para mai-proseso ang kanilang mga dokumento. Diumano ay katuwang ng Jed Manpower ang Bixter.work, isang recruitment agency at international job portal sa Denmark, para suriin ang mga resume ng aplikante at saka magsasagawa ng orientation bago ipasa sa isang lisensyadong recruitment agency sa Maynila para maiproseso sa POEA.

At dahil walang lisensyang ipinagkaloob ang POEA sa Jed Manpower para sa pagproseso ng mga dokumento ng mga nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa ay isinagawa ng nagsanib na puwersa ng POEA-AIRB, Public Employment Service Office (PESO) at kapulisan ng Science City of Muñoz ang pagkandado ng tanggapan ng Jed Manpower sa Brgy. Catalanacan, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Bunsod nito, mapapabilang ang Jed Manpower at mga tauhan nito sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” kung saan hindi na sila maaaring makasama sa mga programa ng gobyerno para sa overseas recruitment bukod pa sa kinakaharap nilang kasong illegal recruitment.

Leave your thoughts

error: Content is protected !!