Pinoy teacher malapit nang ma-deploy sa Thailand

Mas maraming Filipino English teacher ang malapit nang magkaroon ng oportunidad na makapagtrabaho sa Thailand sa ginanap na pag-uusap sa pagitan ng labor department at ng Thailand Ministry of Employment.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang kasunduan para sa pagdedeploy ng English teacher ay inaasahang malalagdaan sa mga darating na linggo upang matugunan ang pangangailangan ng Thailand sa ilalim ng “English for All” Project sa Eastern Economic Corridor (EEC).

“Ang mga Filipino teacher ang napiling nasyonal ng pamahalaan ng Thailand dahil sa husay at galing ng ating mga guro sa pagtuturo ng English,” ani Bello.

Sa ilalim ng mungkahing kasunduan, ang mga Filipino teacher ay magtatrabaho sa Ministry of Education ng Thailand upang magturo sa mga estudyante na nasa primary at secondary level sa pampublikong paaralan.

Sinabi rin ng Kalihim na ang mga Filipino teacher na magtatrabaho sa ilalim ng nasabing programa ay makatatanggap ng 25,000 baht kada buwan o P45,000, kasama na dito ang housing allowance. Kabilang sa iba pang benepisyo ang personal accident insurance at round trip airfare at work permit fee na sasagutin ng pamahalaan ng Thailand.

Maliban sa mga English teacher, bubuksan din ng Thailand ang iba pang oportunidad sa trabaho sa mga foreign professionals para sa engineering, architecture, medicine, accounting at dental medicine.

Sa ngayon may 16,704 overseas Filipino workers sa Thailand, kung saan 11,848 ay mga professional, na karamihan ay binubuo ng mga teacher, musician at iba pang professional na nagtatrabaho sa mga multinational company.

Leave your thoughts

error: Content is protected !!