Minsan ka na bang nagwari sa dahilang kung bakit ang ibang kasamahan mo sa trabaho na sa iyong palagay ay kasinghusay mo naman ang madalas na nabibigyang pabor? Ito’y dahil sa kanilang tinatawag na soft skills. Ang soft skills ay hindi lamang laging patungkol sa pagkakaroon ng nakahahalinang ngiti, kaaya-ayang aura, at pagiging palakaibigan. Hindi rin naman ito tungkol sa pagbanggit ng paghanga sa nakatataas o boss kahit na taliwas ito sa katotohanan o sa pagpuri sa katrabaho gayong wala din itong katotohanan.
Ang soft skills ay tumutukoy sa EQ o Emotional-intelligence Quotient. Ang nasabing kakayahan ay iniuugnay sa namumukod-tanging personalidad na tumutukoy sa positibong interaksyon ng indibidwal sa ibang tao. Kombinasyon ang EQ ng mga sumusunod na aspekto:
- Katalinuhan
- Mahusay na pakikisalamuha at etika
- Mainam na komunikasyon, lengguwahe, at tono
- Masigasig na partisipasyon o ugnayan sa grupo
- Nagtataglay ng katangian ng isang lider
- Abilidad sa negosasyon
- Mayroong pagpapahalaga sa serbisyong hatid
- Mayroong konstruktibo o nakapagpapabuting pag-uugali
- Taglay ang motibasyon at matinding naisin na matuto
- Mayroong pambihirang kakayahan sa pakikisama sa lahat at kooperasyon sa ibang tao
Ang lahat ng nabanggit ay mahahalagang salik upang masuportahan ang propesyonal na abilidad na magdudulot ng tagumpay sa propesyon at buhay. Hindi lahat ay natural na tinataglay ang soft skills, mayroong ibang na nakararanasan ng balakid sa pag-unlad sa karera dahilan sa kawalan nito. Ang paraan ng isang indibidwal na panghawakan ang mga ugnayan ay tumutukoy sa abilidad nito sa pakikisalamuha, pagbibigay inspirasyon, pagpapa-unlad, at pag-impluwensya sa ibang tao. Ang mga recruiter abroad ay naniniaala na ang pagtukoy ng talento ay hindi lamang istriktong nakabase sa teknikal na kuwalipikasyon sapagkat ang soft skills ay repleksyon ng ganap na pagkatao ng isang aplikante. Ang mga aplikanteng sumusubok na walang mainam na soft skills o abilidad sa pakikisama sa iba ay nagkakaroon ng balakid sa paglago. Hindi madaling makamtan ang soft skills subalit narito ang ilan upang mapa-unlad ang sa iyo:
Internal Soft Skills
Tumutukoy ito sa kung paano mo nakikita at dinadala ang sarili. Tungkol din ito sa pagkontrol ng ego, ugali, at emosyon sa pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon.
- Bantayan ang takbo ng emosyon tungo sa hindi nadadala at hinog na mentalidad. Unawain at suriin ang sariling nararamdaman at mga partikular na reaksyon upang iyong matukoy at mabago ang mga mali.
- Matutong bumasa ng mga senyales at mga maliliit na pagbabago sa pagkilos. Siguraduhing hindi mamamali ng intindi sa mga naka-ugat na kadahilanan sa oras ng komprontasyon.
- Suriin ang sariling mga ideya at nararamdaman, mga nagiging sanhi ng iritasyon, pakiramdam ng pagkahiya, at nakapagpapahina ng loob. Isaisip ang mga nagbibigay motibasyon o nakapaghihikayat sa iyo. Magagawa mo ito sa pang-unawa na mayroong kabilang panig ang mga sitwasyon. Nakadepende sa iyo kung paano mo sila tinitignan.
- Muli, ituon ang pansin sa nakapaghihikayat at nakapagbibigay sa iyo ng inspirasyon. Palayain ang sarili mula sa nagpapabigat na pag-iisip at emosyonal na bagaheng dinadala at tignan ang bawat sitwasyon bilang pagkakataon upang matuto at umunlad.
- Iwaksi ang pag-iisip na ika’y nakatataas sa iba dahilan sa iyong pagtingin sa mga kapintasan ng iba, bagkus ay pagtuunan ng pansin ang iyong abilidad at maging mapagkumbaba habang tangan ang kumpiyansa.
- Harapin ang stress at unawaing sadyang mayroong mga sitwasyon hindi kaaya-aya. Tanggapin ito at maging kalmado sa kabila ng trigger.
- Tandaan na ang hindi kaaya-ayang sitwasyon ay lumilipas din kung kaya’t huwag sumuko at matutong tumanggap ng pagkabigo. Lilipas ang mga hindi magagandang sitwasyon. Patuloy na lumaban sa kabila ng pagkabigo at pagkadismaya at agad na bumangon matapos madapa. Hindi maaaring magmukmok na lamang at tumalikod kung kaya’t huwag magpadala sa pansamantalang hindi kaaya-ayang sitwasyon at magpatuloy tungo sa iyong long-term goals.
External Soft Skills
Ang external soft skills ay ang kakayahan sa pakikitungo upang makabuo ng makabuluhang ugnayan. Ang maunawaan ang takbo ng isipan ng iba tungkol sa iyo at sa iyong trabaho ay makatutulong upang iyong matimbang ang magiging epekto ng kanilang aksyon sa iyo:
- Bigyang maigi ng atensyon ang paraan ng pakikitungo sa iyong boss at iba pang nakatataas. Gawin ang tungkulin katuwang ang mga nakatataas base sa kanilang inaasahan mula sa iyo. Husayan ang pakikitungo sa mga indibidwal sa pamamagitan nang pagbasa ng kanilang isipan bago ang paglalatag ng mungkahi.
- Bigyang pansin ang iyong pasalita at ‘di pasalitang paraan ng komunikasyon sa pamamagitan nang pakikinig sa iba at paghahayag ng ideya nang wasto. Pagbutihin ang iyong presentasyon sa mga pagtitipon at gawing interesante sa pamamagitan nang paggamit ng mga mahuhusay na punto at hindi ang nakababagot na read-outs.
- Pagtuunan ng atensyon ang sama-samang pagkilos katuwang ang mga taong may kanya-kanyang abilidad, personalidad, at paraan ng pagtatrabaho upang makamit ang resulta. Huwag ang pansariling tagumpay lamang ang intindihin.
- Unawain ang nararamdaman ng iba at bumuo ng pagkakaibigan at tiwala.
- Humingi ng feedback o opinyon mula sa iba hanggang sa magkaroon ng pinal na napagkasunduan. Maging lohikal upang mabuo ang kredibilidad at manghikayat na pakinggan ang iyong ideya nang hindi ipinipilit lalo kung ang mainam na solusyon ay sinasambit ng iba.
- Bigyang atensyon ang pagpapabuti ng iyong grupo na mayroong iba’t ibang abilidad at paraan ng pagtatrabaho sa pamamagitan ng pagiging mahikayat. Paghusayin ang iyong abilidad sa pamumuno sa pamamagitan ng pagbibigay bisyon, at mga ideya na kukuha ng kanilang atensyon at naising kumilos tungo sa iisang sinumpaang layunin. Matutong sensitibong magbahagi ng nalalaman at gumabay upang makatulong sa pagpapa-unlad ng kanilang propesyon.
- Bigyang pansin ang mga mahihirap na sitwasyon nang kalmado. Aralin ang maaaring maging problema at magbalangkas ng plano sakaling mangyari.
- Kung ika’y mayroong pinanghahawakang matibay na pananaw o ideya, sa oras nang talastasan, huwag ito basta ipilit bagkus ay hikayatin silang tanggapin ang iyo.
- Pagtuunan ng pansin ang halaga ng pagbuo ng koneksyon na makatutulong sa pagpapalawak ng impormasyon at magagamit upang handa sa mga sitwasyon.
Malinaw ang konklusyon sa lahat ng mga nabanggit na una, mahalaga ang pagsasanay at pangalawa, marapat na sang-ayunan na ang mahalagang katangian upang mapaunlad ang soft skills ay positibong pag-uugali, sapagkat sa mahabang takbo n panahon, ang mga ito ang makatutulong upang umabante sa karera.