Pinalawig ng isang taon ang pananatili at pagtatrabaho ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Korea na nasa ilalim ng Employment Permit System (EPS) na ang kontrata ay mawawalan ng bisa sa panahon ng 13 Abril 2021 hanggang 31 Disyembre 2021 at ito ay epektibo ng 13 Abril 2021.
Sa ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Labor Attaché Maya Valderrama ng Philippine Overseas Labor Office sa Korea na sa pinakahuling issuance mula sa Ministry of Employment and Labor (MOEL) at ng Ministry of Justice (MOJ) ng Korea ukol sa inamyendahang Act on Employment of Foreign Workers, pinalalawig sa pananatili ang mga banyagang manggagawa dahil sa kasalukuyang kondisyon dulot ng pandemya.
Nakasaad sa issuance na palalawigin pa ng isang (1) taon ang panahon ng pananatili at pagtatrabaho ng banyagang manggagawa (E-9 and H-2) sa ilalim ng EPS at iyong kontrata ng pagtatrabaho (3 taon o 4 na taon at 10 buwan) na magkakawalang-bisa mula 13 Abril 2021 hanggang 31 Disyembre 2021.
Ayon kay Valderrama, inaasahan ng MOEL na sa ganitong paraan mareresolbahan ang problema ng manggagawa sa pagpasok at paglabas ng bansa sa panahon ng pandemya at ang kakulangan ng manggagawa sa small at medium-sized company.
Pinasalamatan ni Bello ang pamahalaan ng Seoul ang pagbabagong ito para sa kapakinabangan ng banyagang manggagawa sa Korea.
“Ipinagpapasalamat namin ang bagong patakaran sa empleo na ipinagkaloob ng Republic of Korea (ROK) sa ating manggagawa na nasa ilalim ng EPS lalo na ngayong panahon ng pandemya. Ang pangangalaga sa trabaho ng ating OFW sa buong mundo ay pangunahin nating layunin, at ipinapakita nito ang kahalagahan ng 15 taong tuloy-tuloy na bilateral cooperation kasama ang ROK,” wika ni Bello.
Nakasaad din sa patakaran na sakop ang mga manggagawa na nasa ilalim ng EPS na nabigyan ng 50-araw visa extension ng awtoridad ng Korea, kung ito ay nasa loob ng 13 Abril 2021 hanggang 31 Disyembre 2021. Ang pagpapalawig sa pananatili at pagtatrabaho ng karapat-dapat na banyagang manggagawa ay agad ipatutupad ng ROK at magkakabisa ng 13 Abril 2021 sa pamamagitan ng apilikasyong isinumite ng kanilang employer.
Ang EPS ay isang government-to-government hiring system na nagpapahintulot sa Korean employer na legal na mag-employ ng banyagang manggagawa sa pagkakataon na walang makuhang manggagawang lokal. Ito ay nasa pangangasiwa ng Philippine Overseas Employment Administration bilang sending agency katuwang ang Human Resource Development Service ng Korea.
Ang Pilipinas ang unang bansa na lumagda ng Memorandum of Understanding sa EPS sa ROK noong 2004.