Magandang balita sa mga interesadong Filipino na nagnanais na muling magtrabaho sa Libya.
Sa isang advisory, naglabas ang Philippine Overseas Employment Administration Governing Board ng resolusyon na pinapayagan ang pag-proseso at pag-dedeploy ng mga Pilipino na muling babalik sa kanilang trabao sa Libya.
Sa GB Resolution No. 1, series of 2018, sinabi ng Board na ang desisyon ay matapos ibaba ng Department of Foreign Affairs, na may pagsang-ayon ng National Security Council, na ibaba ang Crisis Alert Level sa Libya mula sa Alert Level 3 (Voluntary Repatriation Phase) sa Level 2 (Restriction Phase).
Dati nang inapila ng Overseas Filipino Workers Organization-Benghazi (OFWO-B) sa pamahalaan na huwag isali ang mga professional tulad ng engineer, company worker, nurses at teachers mula sa travel ban sa Libya.
Gayunpaman, binigyang-linaw ng POEA na hindi kasama ang mga newly-hired worker at seafarer sa pagtataas ng deployment ban.
Noong Nobyembre 2018, nag-isyu ang POEA Board ng Board Resolution No. 8 na nagtatakda ng total deployment ban sa pag-proseso at pagde-deploy ng newly-hired worker, gayundin ang crew change and shore leave ng mga Filipino seafarer sa Libya, subalit pinapayagan ang pag-proseso at pagde-deploy ng mga babalik na manggagawa sa ilalim ng specified skill category ngunit ito ay sasailalim sa ilang kondisyon.
Nilagdaan ni Secretary Silvestre H. Bello III, chairman ng POEA Governing Board ang bagong resolusyon kasama sina POEA Administrator Bernard P. Olalia, at board member Estrella S. Hizon, Alexander E. Asuncion, at Felix M. Oca.