MOU para sa OFW, nilagdaan ng DOLE, Romanian labor ministry

Patuloy na lumalawak ang merkado sa paggawa ng Pilipinas sa Europa sa paglagda ng isang Memorandum of Understanding sa pagitan nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Romanian Embassy Chargè d’Affaires Mihail B. Sion upang kumuha ng mas maraming overseas Filipino workers (OFWs) para sa Romania.

Ang ginanap na paglalagda ng kasunduan sa pagitan ng Department of Labor and Employment at ng Romanian Ministry of Labor and Social Protection noong nakaraang linggo ay bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Migranteng Manggagawa.

Sa kanyang pahayag sa ginanap na seremonya, sinabi ni Bello na ang paglagda sa MOU ay higit na makapagpapabuti sa relasyon sa paggawa sa pagitan ng Pilipinas at Romania.

“Ang paglagda sa MOU ngayong araw ay nagpapakita ng parehong pangako ng pamahalaan na patuloy pang palakasin ang kasalukuyang umiiral na bilateral relation partikular sa larangan ng labor, employment, at social protection,” ayon kay Bello.

Ayon naman sa Romanian Ambassador, ang bilateral agreement ay makakatulong din upang mabawasan ang kakulangan sa trabaho na dinaranas ngayon ng mga OFW sa gitna ng pandemya.

“Ang Romania ay isang magandang oportunidad para sa mga Filipino upang makapagtrabaho bilang hospital caregiver at skilled workers,” dagdag pa ng Ambassador. Binigyang-diin ng opisyal na ang bansa ay mayroong competitive labor market dahil maraming Asyanong migrante ang nagpupunta sa Romania para magtrabaho, tulad ng Vietnam, Nepal, at India.

Sa kasalukuyan, mayroon lamang 1,500 OFW sa Romania, at ang karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga kompanyang may kinalaman sa health and safety at transportasyon, na kumakatawan sa 20 porsiyentong bahagi lamang ng kabuuang dayuhang manggagawa sa nasabing bansa.

Tiniyak din ng Romanian ambassador na ang Romania ay isang bansa na ligtas, maayos, at disenteng lugar kung saan maaaring magtrabaho ang isang manggagawang Filipino.

“Ang MOU ay isang balangkas at panimulang punto para sa parehong pamahalaan ng dalawang bansa, upang magtulungan at tiyakin na protektado ang mga OFW sa Romania,” pahayag niya.

Bukod sa paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga OFW na nagnanais na magtrabaho sa Romania, inaasahan ni Bello na ang kasunduan sa dalawang panig ay magiging daan din para sa pagpapalitan ng kadalubhasaan, mabuting kasanayan, at impormasyon sa pagitan ng dalawang bansa, partikular sa mga larangan ng relasyon sa paggawa at trabaho; seguridad at proteksyon sa lipunan; labor migration; at kaligtasan sa trabaho, bukod sa iba pa.

Ang Romania ang ikapitong bansa sa Europa na nagkaroon ng kasunduan sa paggawa sa Pilipinas, kasunod ng United Kingdom, Germany, Czech Republic, Switzerland, Italy, at Spain. CPSD/ gmea

Leave your thoughts

error: Content is protected !!