Mga OFW natuto sa patok na negosyo sa ‘new normal’

Upang magamit ang mga oportunidad kahit na mayroong krisis, nagsagawa ng pagsasanay ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Japan sa mga migranteng Pilipinong manggagawa kaugnay sa food specialty, real estate, at online learning na itinuturing na ‘bestseller’ o patok na negosyo ngayong ‘new normal.’

Sa temang ‘Negosyong Patok Ngayong COVID-19: The Champion Mindset,’ isinagawa ng POLO-Japan ang pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Philippine Trade and Investment Centers (PTIC) sa Tokyo at Osaka at ni Entrep-Academy Coach Jonathan Q. Petalver.

Hinikayat ni Petalver ang mga nagsasanay na mula sa pagiging mga “Overseas Filipinos (OFs) ay maging mga Overseas Filipino Entrepreneurs (OFEs).”

“Kaya nating malagpasan ang pandemya na ito at bumuo ng isang bansa na may bayanihan spirit. Nasa ikalawang hakbanging na tayo para sa pangangalap ng bagong kasanayan, retooling at paglinang sa ating mga kababayan hindi lamang dito sa Japan ngunit pati na rin sa buong mundo na kasama natin sa pamamagitan ng FB live”, wika ni Tokyo Labor Attaché Marie Rose C. Escalada sa kanyang ulat.

Ginawa ang aktibidad sa pamamagitan ng Zoom at naka-live-stream sa POLO-OWWA Tokyo Official Facebook Fan page na umabot ng 2,300 views at 5,400 social media users makalipas lang ang nasabing aktibidad.

Nagpasalamat si Elmer Poblete, isa sa mga kalahok at namamasukan bilang Supervisor, sa POLO, OWWA, PTIC, at kay Coach Petalver sa kanilang ginawang online training. Ani Poblete, nagbigay ito sa kanya ng tips at kaalaman ukol sa pagsisimula ng isang negosyo.

“Aking nabatid na maaari akong magtagumpay ngayon. Bilang isang batang OFW, maaari akong magkaroon ng pagkakataon na maging entrepreneur na mayroong disiplinadong pag-iisip,” ayon kay Poblete.

Sinabi naman ni POLO Welfare Officer Amy B. Crisostomo na ang online training ang siyang magiging simula ng mas marami pang training at intervention para sa mga overseas Filipino sa Japan. Tiniyak niya na patuloy na tutulong ang ahensya sa mga OFW na miyembro ng OWWA upang makamit nila ang kanilang pangarap na magtayo ng negosyo.

Ang online training ay bahagi ng Reintegration-Preparedness Program ng POLO-OWWA Tokyo na may layong sumuporta at maglinang ng personalidad, kasanayan at kapasidad ng mga OFWs, at ng mga papauwing OFW sa kanilang mga komunidad.

Leave your thoughts

error: Content is protected !!