Isinusulong, bagong batas para sa proteksiyon ng OFW sa Canada

Isang bagong batas ang isinusulong upang mapangalagaan at maprotektahan ang mga manggagawang Filipino sa Canada laban sa pang-aabuso.

Sa ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ni Labor Attaché Margarita Eugenia Victorino ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Vancouver na ang mungkahing panukala ay naglalayong magtatag ng registry ng mga employer at recruiter para sa mga temporary foreign worker sa Canada na binubuo ng mga OFW.

“Ang pagtatatag ng registry, batay sa nakasaad sa mungkahing Temporary Foreign Workers Protection Act, o Bill 48-2018, ay naglalayong pangalagaan ang mga temporary foreign worker mula sa mga mapang-abusong employer o recruiter,” ani Victorino sa kanyang ulat.

Sa ilalim ng mungkahing panukala, libre at magagamit online ang proseso ng pagrerehistro ng mga employer at recruiter.

Dagdag pa rito, batay sa mungkahing panukala, mapapawalang-bisa ang lisensiya at mabibilanggo sa loob ng isang taon ang employer o recruiter na mapapatunayang lumabag sa kanyang obligasyon.

Ipinahayag kamakailan ni Canadian Labor Minister Harry Bains na isinumite na para sa unang pagbasa ang mungkahing panukala sa British Columbia Legislature.

Inaasahan na magkakaroon ng konsultasyon sa lahat ng stakeholder at ang POLO-Vancouver ay inimbitahan din para sa aktibong pakikibahagi sa pagbubuo ng patakaran at pamantayan para sa pagpapatupad ng batas.

Leave your thoughts

error: Content is protected !!