PAMET hiniling na pag-aralan ang deployment cap para sa HCW sa US

Hinihiling ng pinakamalaking grupo ng medical technologist sa US na pag-aralan ng mga opisyal ng pamahalaan ang deployment cap para sa mga health care worker (HCW) sa Amerika, ulat ng labor department kahapon.

Ayon kay Labor Attaché Angela Librado Trinidad ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Washington D.C., naghain ng kahilingan ang Philippine Association of Medical Technologists (PAMET) dahil maraming oportunidad para sa mga healthcare worker sa Estados Unidos.

Sa isang virtual forum, sinabi ni Trinidad na ginawang batayan ng PAMET ang kakailanganing 110,000 bilang ng medical technologist sa Amerika.

“Kamakailan ay nakipag-pulong kami sa PAMET, na may mga chapter sa buong Estados Unidos, para pag-usapan ang bagay na ito dahil kabilang ang kanilang propesyon sa deployment cap. Gusto nilang malaman kung luluwagan ang itinakdang bilang dahil interesado silang magbigay ng oportunidad sa kanilang mga kapwa medical technologists,” pahayag ni Trinidad.

Sinab niya na nirerespeto ng pamahalaan ang karapatan ng manggagawa ukol sa labor mobility, ngunit kasabay nito kanyang ipinaliwanag sa nasabing pagpupulong na ang limitasyon sa pagde-deploy na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ay upang tiyakin na may sapat na mga medical professional ang Pilipinas sa gitna ng pandemyang Covid-19.

Sinabi ng Labor official na karamihan sa mga job order na natatanggap ng POLO doon ay nasa healthcare industry. Tinataya na sa mga susunod na taon ay mangangailangan ng may 2.5 milyong nurses sa Amerika dahil sa malaking bilang sa mga nurse doon ay magreretiro, dagdag niya.

Sa kanyang nasasakupan, nagtala ang POLO Washington D.C. ng 514,000 dokumentadong Filipinong manggagawa sa silangang bahagi ng Amerika at 12,000 manggagawa sa Caribbean Island, kung saan karamihan sa kanila ay matatagpuan sa Cayman Island.

Ang may pinakamaraming bilang na job order na natanggap ng POLO sa silangang rehiyon ay para sa mga healthcare worker habang sa Caribbean Island naman ay para sa manggagawa sa service at tourism industry.

Sa kasagsagan ng pandemya, sinabi ni Trinidad na mahigit 2,000 OFW ang tumanggap ng isang-beses na P10,000 na tulong-pinansiyal sa ilalim ng Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP) kung saan ang karamihan sa mga nakatanggap ay mga manggagawang Filipino sa Caribbean.

Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas at Araw ng Migranteng Manggagawa, ibinahagi ni Labor Attaché Trinidad na ang POLO ay naglagay ng isang one-stop-shop virtual consultation sa mga OFW kung saan maari silang sumangguni tungkol sa kanilang mga benepisyo gaya ng PagIbig, PhilHealth, at SSS. Isasagawa aniya ang mga online session tuwing araw ng Sabado at Linggo sa mga darating na linggo ngayong buwan ng Hunyo. 

Leave your thoughts

error: Content is protected !!